9.2.10

Sa Ngalan Ng Blog

Isa sa mga dahilan kung bakit ko naisipang gumawa ng blog sa pagbubukas pa lang ng taong ito ay para may maging outlet ako sa mga bagay bagay na nangyayari sa akin. Sa pamamagitan ng pagsusulat ay mailabas ko ang tunay kong saloobin.

Isa sa mga bagay na aking ikinonsidera sa pagkonsepto ng blog na ito ay ang magiging pangalan. Dapat kakaiba, yung catchy, kung posible ay walang kapares. Sa totoo lang ay nahirapan akong mag-isip kung anong magiging pangalan ng blog na ito. Wala kasi akong maisip na kakaiba, sa bagay na yun ay tila ba hindi naging interesado ang utak ko na tulungan akong mag-isip ng ipapangalan ko sa blog ko kaya naman inumpisahan kong igala ang paningin ko sa loob mismo ng aking silid, baka sakaling may kapaki-pakinabang na bagay sa loob ng silid na ito na syang maari kong gamiting pangalan at kung pupwede ay isang bagay na sisimbolo sa akin.

Nakita ko ang isang box sa ilalim ng tukador kung saan naroon ang mga larawan ko nung highschool pa ako. E kung Mga Lumang Larawan kaya? Parang title ng drama sa radyo ang dating, hindi maganda.

Binuksan ko ang tukador at sinimulang halungakatin ang mga gamit, baka isa sa mga bagay sa tukador na ito ang aking hinahanap na ipapangalan sa aking blog. Nakita ko ang luma kong brief na tatlong taon na ang nakakalipas mula noong binili ko ito. E kung Ang Butas-butas at kupas Kong Salawal kaya? Pangmahirap naman ang isang ito, baka isipin pa ng unang swerteng tao na maliligaw sa blog ko ay pulubi ako at wala akong pambili ng bagong salawal. E kung inglisin kaya para medyo sosyal naman ang dating? My Baconish Brief. Hindi talaga pwede, pang-poor talaga ang dating at ayoko namang butas at kupas na brief ang sumimbolo sa katauhan ko.

Kung gugustuhin ay pupwede ko namang ipangalan sa akin mismo ang blog ko, ang problema hindi ko naman ugai na ibalandra sa buong mundo kung ano ang tunay kong pangalan para gamiting title ng sarili kong blog.

Umupo ako sa kama at muling gumala ang aking paningin, sa pagkakataong ito ayaw pa din aking tulungan ng utak ko na mag-isip, tulog siguro. Ginala-gala ko ang paningin ko sa aking silid. Konti lang naman ang laman nito, lamesa na patungan ng kung anu-ano, upuan, tv at ang kinalalagyan nitong rack, mga maalikabok na dvd at cd na karamihan ay pirata, meron din isang malaking box na taguan ng kung anu anong gamit, tukador para sa mga damit, electric fan, laptop, at isama na rin ang compact fluorescent light sa ding ding. Yan lang naman ang mga gamit dito at karamihan na ay ang mga nagkalat na papel at damit na naghalo na ang malinis sa madumi.

Makalat ang kwarto ko, sa totoo lang hindi ko hilig ang maglinis ng sariling kwarto, kung hindi pa ito lilinisin ni Alwina ay hindi mararanasan ng kwarto ko kung ano ang pakiramdam ng maging malinis. Sino nga pala si Alwina? Kilalanin natin sya sa susunod dahil balak ko din sayng gawan ng blog entry, kasalukuyan ko pa kasi syang ininterview sa mga bagay bagay tungkol sa buhay nya para naman maging makatotohanan ang maisulat ko tungkol sa kanya.

Bigla kong naalala yung binili ko noong isang araw na nilagay ko sa ibabaw ng tukador. Agad kong kinuha ito at doon ko lamang napansin na maganda pala ang paper bag na kinalalagyan ng nabili ko.

Biglang umilaw nag bumbilya sa ibabaw ng ulo ko, e bakit kaya hindi na lang PEYPER BAG?

Peyper bag, dahil ginagamit ito para panlagyan ng iba't ibang gamit, pwede pang ulit uliting gamitin lalo na kung maganda ang disenyo nito at mamahalin ang tatak.

Gaya ng totoong peyper bag, itong blog na ito mismo ang magiging sisidlan ng kung anu anong bagay tungkol sa buhay ko. Mga sari-saring kwento na maari kong ibahagi sa blogosperyo kaya tamang tama lamang na ipangalan ito sa bagay na kapaki-pakinabang.

Naisip ko din pala kung ano ang magiging nom de plume ko. Sa pagkakataong ito ay tinulungan na ako ng sarili kong utak para mag-isip. Gaya ng ibang mga manunulat ay gusto ko ding gumamit ng pseudonym para naman manatiling misteryoso ang aking pagkatao. Gaya nga ng nabanggit ko kanina, hindi ko ugaling ibalantra sa buong mundo ang pangalan ko kaya hindi ko maaring gamitin ang totoo kong pangalan dito. Kaya naman dyan nabuhay ang pangalang DON DEE.

Tungkol naman sa disenyo ng blog ko, nais ko itong gawing malinis sa paningin. Ayoko ng masyadong madaming eche bureche na nakalagay. Hindi ko gusto na magmukang piesta ng baranggay ang anyo ng blog ko na sari saring bagay na makukulay ang nakasabit. At dahil nga sa gusto kong maging simbolo ito ng tunay kong pagkatao ay ninais kong gawin itong simple lang.

At yan ang mga konseptong bumubuo sa aking blog. At nga pala, uumpisahan ko na ding magblog walk. Oras na para lumabas ako sa totoong mundo ng blogosperyo at maglakwatsa sa iba't ibang blog.

Kita kits sa mga blog nyo!

3 ang may nasabi:

  1. At dahil dyan eh isa munang masigabong palakpakan... welcome to the blogworld.

    bago ang lahat eh, salamat sa pagdaan sa aking malapyestahan na kuta. Sabi mo nga, sumasalamin ang blog sa personalidad kaya naman goodluck sa Trip MO.
    hehehe

    Ahhh.. maganda ang alamat ng Peyper Bag..lols
    sana eh marami ka pang maisilid sa iyung peyperBag.
    INGAT sabi nga ni LoydiMOngoloidi

    ReplyDelete
  2. I'm here! Wooozzzzaaaa!

    Welcome to blogworld. Sana ay ma enjoy mo ito at magkaroon ng maraming maraming kaututang dila. Maraming salamat sa pag dalaw sa bahay ko.

    Sulat lang ng Sulat Don Dee!

    ReplyDelete
  3. @ Kosa - aba at akalain mong sa wakas ay may naligaw na dito sa blog. haha

    nakakabingi naman ang pagsalubong mong palakpakan sa akin kosa. nakakataba ng puso.

    Sana nga madami akong maisilid sa peyper bag na ito at maenjoy ko ang psgsusulat.

    @ Jepoy - huwa! maraming salamat sa pagdalaw. Ayan nakakadalawang bisita na ako dito. Unti unti ng nabubuo ang pagiging blogero ko. haha

    Susubukan ko sa abot ng aking makakaya na makapagsulat ng marami.

    Muli, salamat sa pagdalaw Kosa at Jepoy. Sa uulitin. :)

    ReplyDelete