17.2.10

Nostalgia

Kahapon binuksan ko at muling binalikan ang isang parte ng aking nakaraan. Sinarado ko na dati ang pintuan ng nakaraan na yun pero may isang parte pa din ng pagkatao ko na hinahanap ang lugar na yun. Minsan talaga hindi maiiwasang muling balikan ang nakaraan at magbalik tanaw. Namimiss ko ang mga bagay bagay at mga tao sa nakaraang tinalikuran ko kaya naman muli kong binalikan ang imbakan.

Muli akong nagbalik sa dati kong imbakan. Naalala ko pa ang unang pagkakadiskubre ko sa lugar na yun. Pagala gala kasi ako noon kaya ko nakita at pinasok ito. Naenganyo ako sa mga bagay bagay at mga tao na nakita ko at nangarap ako na gumawa rin ng sarili kong imbakan. Masaya ang mga dating araw na ginugol ko sa imbakan na yun kasama ang mga dating nagiimbak. Oo, medyo magulo ang imbakan dati pero masaya. May lalim at may puso ang mga dating nagiimbak, may pakinabang ang mga naiimbak.

Nakausap ko kahapon ang isa sa mga naging kaibigan ko sa lugar na yun, sabi nya may kailangan daw sya sa dati kong imbakan, ilalagay daw kasi nya yun sa garapon. Binisita daw nya ang dati kong imbakan pero sarado na daw ito. Nagdalawang isip pa ako kung muli ko bang bubuksan ang kandado para muling pasukin ang lumang imbakan at kunin ang dati kong inimbak na kailangan nya. Alam ko kasi na sa oras na binuksan kong muli at pumasok sa imbakang yun ay muling babalik ang mga ala-ala ng aking nakaraan, mga ala-ala ng mga taong minsang nakasalamuha sa imbakan na yun. Hindi naman ako nagkamali at muling bumalot sa akin ang mga ala-ala ng nakaraan.

Hindi rin naman ako makatanggi sa hiling ng aking kaibigan, aanhin ko pa nga ba ang mga nakaimbak doon kung mabubulok lang din. Tutal e isang bagay lang naman ang hinihingi nya para ilagay sa garapon. Ang inimbak kong yun ay minsang ginawaran bilang isa sa mga may pinaka-may pusong naimbak. Mabuti nga yun, na mailagay sa garapon at mapakinabangan ang kahit isa lang sa mga dati kong iniimbak kesa masayang lang ito sa pagkakatago.

Hindi ko maiwasang isa-isahin ang mga dati kong inimbak. Tawa, lungkot, ngiti, mangingilid ang luha, yan ang mga naramdaman ko habang iniisa-isa ko ang mga bagay sa luma kong imbakan. Naisip ko kung nasaan na ang mga ibang nagiimbak na kakilala ko. Nakakalungkot dahil ang ilan sa kanila, ang ilan sa mga may talento sa pag-iimbak ay wala na rin pala sa imbakang yun. Nakasarado na ang ilan at ang ilan naman ay iniwanan na lang basta ang kanilang espasyo. Pero nakatutuwang isipin na ang mga ilan ay naroon pa rin sa imbakan, paminsan minsan na lang din kung magimbak pero ang mahalaga e nagagamit pa rin ang imbakan nila at ang iba naman aktibo pa din sa pagiimbak gaya ng dati.

Isa sa mga pinakaayaw kong dahilan kung bakit ayokong nagbabalik tanaw sa nakaraan ay dahil nalulungkot lang ako at naa-alala ang mga taong naging bahagi ng nakaraang yun. Ang mga taong minsang napaglaanan ng oras. Seryoso, namimiss ko ang mga naging kaibigan ko sa lumang imbakan.

Iba na ang kulay ng imbakan ngayon kumpara sa dati. Iba na ang simoy ng hangin ngayon sa imbakan. Halata na ang malayong pagkakaiba ng dati sa ngayon.

May mga bagong nag-iimbak na din pala sa ngayon, ilan sa kanila may angkin ding talento sa pag-iimbak. Naaliw ako sa ilang iniimbak nila at yung mga dating baguhan sa pagiimbak, noong bukas pa ang aking lumang imbakan, e naging eksperto na rin sa larangang ito. May lalim, may puso at may angking pakinabang din ang mga naiimbak nila.

Naalala ko ang isang karakter at katauhan na binigyan ko ng buhay at nakilala ng mga dating nag-iimbak. Napaisip ako kung muli ko bang bubuhayin ang dating karakter at muling buksan ang luma kong imbakan. Pero sa kabilang banda, mas mabuti na lang siguro kung mananatiling sarado ang imbakan na yun, kasama ang mga ala-ala ng ilang tao na naging bahagi ng lumang imbakan.

Naibigay ko na din sa kaibigan ko yung isang bagay na hinihingi nya para ilagay sa garapon. Maging sya man ay aminado na mas iba ang buhay dati sa imbakan kesa ngayon.

P.S.: Isa sa mga bagay na nakita ko sa luma kong imbakan ang bagay na ito. Hindi sana ako magpopost ng kahit ano mang bidyo o piktyur sa blog na to, pero exempted ang entry na ito dahil para ito sa ala-ala ng mga dati kong nakasama sa lumang imbakan.

sumalangit nawa kayo. lol

P.S.P (Pahabol Sulat Pa): At dahil nga sa espesyal ang entry na ito ay nagpakaemo muna ako at isinuot ang aking emo outfit at naglagay ng eye liner. emo rules! not?!






2 ang may nasabi:

  1. Puro imbak ang nabasa ko. Ano ba ang imbakan na tinutukoy mo?

    ReplyDelete
  2. ahhh.. sabi ko na nga ba, dating Blogger:D

    pero tama ka parekoy,
    minsan nakakalungkot isipin at balikan ang mga nakaraan. madalas kase namimiss natin yung mga dati. Yung mga nakagawian. Yung mga masasaya.

    Pero oks lang yan, lumipas man ang Panahon... natapos man ang kasiyahan...
    Pwede mo naman silang ANGkinin at iimbak sa iyung Puso.
    Nice Video.

    ReplyDelete