Naalala ko noong panahon na ako'y nasa highschool pa lamang, absent ako noon pero dahil sa likas na tsimoso ang aking mga kaklase ay nalaman ko na nabanggit daw ng isa aming guro na may katangian daw ako na pagiging unpredictrable. Ay teka, take two, hindi pala ako absent noon, force absent pala ang nangyari sa akin kaya wala ako noon sa klase. Sa madaling salita suspended ako sa kadahilanang sangkot ako sa isang bagay na isa sa mga labis na ipinagbabawal ng aming paaralan. Sa eskwelahang pinapatakbo ng mga pari ay daig ko pa ang pumasok sa bahay ni kuya na madaming hindi pwedeng gawin at sa kasamaang palad ay nalabag ko ang isa sa mga nakasaad sa rule book.
Ayun sa aking mga chikadorang kaklase, kaya daw nabanggit ng aming guro na unpredictable ako ay dahil hindi niya inaasahan na magagawa ko ang bagay na yun na syang naging nitsa ng aking pagkakasuspensyon. Kilala daw kasi ako ng faculty members bilang isa sa mga mag-aaral na mabait at masunurin. Tahimik din kasi ako dati sa klase kahit paminsan-minsan lang o pag nasa harapan ako ng mga pari at guro. Ang hindi daw nila alam, na sa palagay ko ay totoo naman, ay may tinatago din daw pala akong kapilyuhan sa kabila ng aking tila maamong tupang katangian na ipinapamalas sa loob klase.
Aminado naman ako sa bagay na yun, minsan napagtatanto ko din na tila ba isa akong demonyito na nagpapanggap na isang anghel, o baka sadyang nabubulag lang ang mga taong nakapaligid sa akin at nadadala sila sa aking mala-anghel na kakisigan.
Unpredictable. Parang panahon lang dito sa atin, hindi mawari kung aaraw o uulan. Pabago pabago daig pa ang dalas ng mga babae na magpalit ng pantapal sa mga panahong may "dalaw" sila.
Itong araw na to, madaming mga bagay akong nagawa, ang iba ay makabuluhan at ang karamihan ay pamatay oras lang. May project akong ginagawa kanina, maganda ang ideyang pumasok sa aking isipan, ganado akong gawin ito sa dami ng halo halong ideya na naiisip ko para sa proyektong ito. Maganda ang umpisa, hanggang sa makarating ako sa gitna. Nang papatapos na ang proyektong ito ay bigla akong tinamad na ipagpatuloy kung ano ang naumpisahan dahil sa may bagong ideya na naman na pumasok sa utak ko para naman sa ibang proyekto. Sayang dahil napag-gugulan ko na din ito ng oras at atensyon pero nawalan ako bigla ng gana para ipagpatuloy pa itong gawin. Pinilit ko na lang tapusin kung hanggang saan ang kaya kong gawin , medyo raw pa, pero at least maayos naman kahit pano at kung sakaling ganahan uli akong gawin ito tsaka ko na lang ipagpapatuloy na gawin. Sa ngayon focus na muna ako sa kasalukuyang proyekto na sya naman talagang nauna bago ko umpisahan yung ginagawa ko kanina.
Ito ang dahilan kung bakit ko biglang naalala ang nasabi ng aking guro noon na unpredictable ako. Kung hindi nya malaman kung anong ugali meron ako, ako naman hindi ko malaman kung anong gusto kong gawin minsan.
May narealize naman ako sa karanasang ito kahit papano. Una ay ang magfocus na lang muna sa kung anong kasalukuyang ginagawa para matapos ito. Pangalawa ay iwasang umabsent o gumawa ng bagay na ikakasuspinde para hindi pinag-uusapan ng buong klase o sa pagkakataong ito ay sa opisina.
14.1.10
Subscribe to:
Post Comments (Atom)


0 ang may nasabi:
Post a Comment