Nakaugalian na nating mga pinoy ang maging malinis sa ating panganagatawan kahit na minsan ay hindi halata. Sa isang normal na mamamayang Pilipino na may pang-araw araw na supply ng tubig ay mahina na ang maligo sa isang beses sa isang araw. Hindi ugali ng mga pinoy ang hindi maligo bago ito umalis ng bahay. Hindi rin kayang alisin ng krisis ng tubig ang nakaugaliang pagligo ng pinoy sa araw araw. Ilan sa ating mga mamamayan ay pumipila pa ng metro metro para lang makaigib ng ipangliligo.
Naalala ko noong bata pa ako, lagi akong kinagagalitan ng nanay ko noon pag tinatawag akong maligo at ang lagi kong sagot ay "Mamaya na." Sa isang musmos na kagaya ko noong mga panahong yun ay mas binibigyan ko ng importansya ang paglalaro ng holen kasama ang aming mga kapitbahay kesa sa pagligo. Obligado akong maligo noon sa mga oras na tinatawag ako dahil kung hindi ay palo ang kapalit nito. Kalaunan ko na lamang nalaman ang isa sa mga tunay na importansya ng pagligo araw araw ng dumalaw kami sa isang kamag-anakan.
Bilin sa akin ng nanay ko noon na wag daw akong masyadong maglalapit sa isa sa mga pinsan nya, si tito Pete. Hindi ko alam kung bakit ako pinapaiwas sa kanya, sa katunayan ay lagi pa akong binibilhan ng kendi nun pag andun ako sa kanila. Sabi ng nanay ko basta wag daw akong masyadong lumapit at magpapakarga kay tito Pete kung ayokong dumikit ang amoy nito sa akin. Napakunot ang aking noo at napaisip kung anong amoy kaya ang tinutukoy ni mama.
Dumating kami sa bahay ng mga pinsan ni mama at saktong nandun naman si tito Pete, gaya ng bilin ng aking ina hindi muna ako lumalapit masyado kay tito Pete. Umiral ang pagkapilyo ko at pagiging usisero kung anong klaseng amoy meron si tito at ayaw akong palapitin sa kanya. Pinagulong ko ang laruan kong kotse papunta sa kinauupuan nya at akmang kukunin ko na ang aking laruan ay bigla akong huminga ng malalim, tama nga si mama, hindi ko nagustuhan ang naamoy ko, amoy sibuyas na ewan, hindi ko gusto ang amoy ng pabango ni tito Pete kaya bigla na lamang napakunot ang aking noo at ilong sabay takbo papalayo kay tito. Nahilo ako sa naamoy ko, nanuot hanggang ulo.
Sinabi ko kay mama na alam ko na ngayon ang amoy ni tito Pete, sabi ko dapat palitan na nya ang pabango nya dahil amoy kulob na sibuyas ito. Tawa ng tawa si mama noon, at pinaliwanag nya sa akin na hindi daw pabango yung naamoy ko sa halip yun daw e PUTOK Putok? Ano ang putok? At bakit nagkakaroon ng tao ang ganito? Nakukuha daw yun sa hindi maayos na pag-aalaga sa katawan lalong lalo na kung hindi nito hilig ang maligo. Sa pagkakataong yun ay naintindihan ko ang ibig sabihin ni mama.
Naging inspirasyon ko si tito Pete, ayokong maging kagaya nya na may putok kaya naman araw araw akong naliligo. Normal lang naman na maligo ng araw araw, abnormal nga pag hindi ka naliligo e. Minsan higit pa sa isang beses ako maligo sa isang araw at mula noon ay nagkukusa na akong maligo kahit hindi pa ko sinasabihan.
Ugali na ng pinoy ang maligo araw araw, kahit anong lamig ng panahon ay hindi papayag ang pinoy na hindi maligo. Kahit na kumuluntoy pa ang *toot* dahil sa sobrang lamig ng tubig ang mahalaga ay malinisan nitong mabuti ang kanyang katawan.
Tatlong araw na rin akong tambay lang dito sa bahay, lumalabas lang ako pag may bibilhin sa kanto. At kahit nandito lang ako sa bahay at hindi naman naalikabukan o nadudumihan masyado ay naliligo pa din ako ng dalawang beses sa isang araw. Kanina lang ay naramdaman ko na parang hindi kumpleto ang paglilinis ko sa buo kong katawan meron akong nakalimutang ritwal sa paglilinis ng katawan ko mula ulo hanggang paa, merong hindi tama. May kulang, chineck ko ang buo kong katawan, nagsabon at naghilod naman ako, nagshampoo, nalinis ko na ang tenga ko pati ilong, at nagupit ko na din ang aking mga kuko.
Nagpalingon lingon ako sa paligid baka sakaling makakita ako ng magpapa-alala sa akin kung ano ang kulang na hindi ko maisip-isip ng bigla kong nakita ang toothbrush ko.
Dyaske, malinis nga ang buong katawan ko pero ang mga ipin ko hindi!
Kung nakakapagsalita ang toothbrush ko malamang sasabihin sa akin na tatlong araw ko na syang hindi nagagamit at tuyong tuyo na sya. At sasagot naman ang mga ipin ko at sasabihing ang dumi dumi na nila at yung kinain ko nung isang araw ay nandoon pa sa kasingitsingitan nga aking ipin. Hindi nga ako nagaya sa tito Pete ko na may putok pero kung sakali ay magagaya ako sa anak nitong tatlong taong gulang na sira sira ang ipin.
Agad agad kong dinampot ang aking tootbrush, sinigurado kong nasayaran ng toootbrush at naabot ng toothpaste ang kasingit-singitan ng aking mga ipin. Paulit ulit kong chineck ang aking hininga, hindi naman ako bad breath kahit hindi ako magtoothbrush pero nararapat lang naman na laging amoy malinis ang bunganga, pasadong-pasado sa halikmeter. Malapit pa naman na ang lovapalozza kaya dapat siguraduhing malinis at fresh ang hininga.
Hindi nga naman kumpleto ang paglilinis sa buong katawan kung hindi naman malinis ang bunganga, kumbaga package yan, dapat singuraduhing malinis lahat at kung maaari pati ang mga lamang loob ay siguraduhing malinis din.


0 ang may nasabi:
Post a Comment