3.1.10

Balik Tanaw

Sa tuwing magpapalit ang taon, nagbabalik tanaw ako sa mga bagay bagay at kaganapan sa buhay ko sa lumipas na mga buwan. Ang dami palang kaganapang nangyari sa buhay ko sa nakalipas na taon. May mga pangyayaring nararapat na lang ibaon sa limot sa nagdaang taon na hindi naman nagdulot sa akin ng ano mang kapakipakinabang at may mga pangyayari naman na kay sarap balikan, mga taong nakilala at nakasama na gusto muling paglaanan ng oras kahit sa isang simpleng salu-salo lang.

Labing dalawang buwan ang lumipas, sa bawat buwan at araw iba ibang ala-ala ang napagdaan. Sa bawat napagdadaanang pangyayari, kaakibat nito ang mga leksyon na dapat matutunan. Sa bawat leksyon na natututunan ay ang pagpapa-alala sa akin na ang buhay ay isang walang hanggang pakikipagniig ng dunong na nagbibigay turo sa isang mala inosenteng paslit. Turo na magsisilbing gabay sa mas matarik na paghamon na kakaharapin sa kinabukasan.

Sa lumipas na taon, iba-ibang tao ang aking nakilala, iba-ibang katauhan na ang ilan ay nakasundo ko at ang ilan naman ay mananatili na lang na mga estranghero o acquaintance sa buhay ko dahil wala akong planong pag-aksayahan ng panahon o sadyang hindi ko lang din nakasundo. May mga iilang tao din minsa'y itinuring na mga kasangga at kaibigan pero dahil sa mga personal na rason ay napabilang sa listahan ng mga taong sana'y hindi ko na lang nakilala at nabura sa listahan ng aking mga kaibigan. Pati sa listahan ko sa Facebook ay burado din sila. Sayang din, kasi pandagdag din sana sila sa mafia wars o sa mga magbibigay ng regalo sa Farmville, pero aanhin mo naman ang pandagdag crew at neighbor kung sa totoong buhay ay ikaw mismo ang tinututukan nila ng baril at imbes na lagyan ng pataba ang mga tanim mo ay lason ang binubudbod.

Masayang ibalik ang mga ala-ala na nagdaan, mga ala-ala na nagbigay ngiti, halakhak at bungisngis sa mga labi at nagpasirit ng dugo sa puso sa labis na kasiyahan. Ito ang ilan sa mga ala-ala ko sa nagdaang taon, mga ala-ala ng mga tao na maituturing na tunay na mga kaibigan, sila ang aking mga dating katrabaho.

Kay sarap ng salu-salong naganap at pagbabalik tanaw, sa walang katapusang kwentuhan at kamustahan. Sa iilang oras na pinagsaluhan nitong nagdaang gabi ay kapalit ang ala-ala na minsan sa isang gabi nitong bagong taon ay muli ko silang nakasama.

Bukas, aabangan ko ang mga pictures na ita-tag sa akin. Ayos!

0 ang may nasabi:

Post a Comment